Albayalde sa lahat ng istasyon ng pulisya sa MM, maging todo alerto!

Mahigpit na binilinan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang lahat ng mga istasyon ng pulisya sa Metro Manila na maging todo alerto laban sa mga banta ng pag-atake.

Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at seguridad ng mga pampublikong lugar ngayong ginugunita ang Semana Santa at nataon naman sa nakatakdang anibersaryo ng New People’s Army (NPA) bukas, Huwebes Santo, March 29.

Ang pahayag ay ginawa ni Albayalde sa ginanap na press briefing ngayong araw sa Kampo Karingal bilang tugon na rin sa na-obserbahang ilang pagkukulang nang ikutan nito ang mga himpilan ng pulisya sa Kalakhang Maynila na bahagi ng kanilang preparasyon sa Kwaresma.

Sa katunayan isang hepe ng Police Community Precinct (PCP) 4 sa lungsod ang nasita dahil nahuli itong natutulog at wala ring presensiya ng pulis sa labas ng presinto.

Subalit naintindihan ng opisyal na posibleng napagod ito bunsod ng puspusang trabaho sa implementasyon ng kanilang Holy Week security measures.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni Albayalde ang importansiya ng alertong pwersa ng pulis upang hindi sila malusutan ng mga indibidwal o grupo na nais maghasik ng kaguluhan sa Metro Manila.

Paglilinaw naman ng NCRPO chief na wala silang pinanghahawakang impormasyon o malakas na indikasyon na may seryosong banta ng pag-atake sa sentro ng Luzon ngayong Holy Week gayundin sa anibersaryo bukas ng rebeldeng NPA. | via Shane Juan