Akusasyon ni UN Special rapporteur Callamard sa hakbang na ibaba ang edad ng criminal liability ng mga bata, pinalagan ng Malacañang

Pumalag ang Palasyo ng Malacañang sa pahayag ni United Nations special rapporteur Agnes Callamard, na kakila-kilabot, napakasama at labag sa international human right law ang panukalang batas na ibaba sa edad na siyam na taong gulang ang pananagutan ng mga batang nagkakasala sa batas sa Pilipinas.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mas kahiya-hiya si Callamard dahil sa pakikialam nito sa soberenya ng Pilipinas.

Wala aniyang business si Callamard para pakialaman ang trabaho ng kongreso ng Pilipinas o ng ehekutibo, sa halip ay pakialaman ang kanyang sariling teritoryo.

Payo ni Panelo kay Callamard, bago bumanat o magsalita sa media alamin muna ang totoong detalye sa likod ng mga balita.

Palibhasa kasi ayon kay Panelo, ang pinakikinggan lamang ni Callamard ay ang mga impormasyon na nanggaling sa taga-oposisyon kung kaya hindi nagiging objective.

Potentially deadly aniya ang mga pahayag ni Callamard, dahil hindi naman totoo ang mga binitiwang salita nito kaugnay ng panukala. | ulat ni Alvin Baltazar