Akusasyon ni Trillanes na korapsyon sa AFP modernization program, pinabulaanan ni DND Sec. Lorenzana

Tahasang pinabulaanan ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang akusasyon ni Sen. Antonio Trillanes na may nagaganap na korapsyon sa Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization program.

Ito ang tugon ng kalihim sa alegasyon ng senador na umano’y may tinaguriang “Davao Group” na nangingialam sa pagbili ng mga bagong kagamitan ng AFP.

Magugunitang sinabi ni Trillanes nitong Sabado na may military officers na nagsumbong sa kanya tungkol sa mga kwestyunableng transaksyon sa pagbili ng kagamitan ng militar.

Alegasyon ng senador na umano’y mga opisyal na malapit sa Pangulo na binansagang “Davao group” ang nasa likod nito.

Giit ni Lorenzana, walang Davao group na nang-iimpluwensiya sa pagbili ng gamit ng militar at ang lahat ng transaksyon ng militar ay dumadaan sa tamang proseso. | ulat ni Leo Sarne