Akusasyon ng mga kritiko na lumalabag sa karapatang pantao ang PNP sa kampanya kontra tambay, pinabulaanan ng PNP chief

Tahasang pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde na nilalabag ng PNP ang karapatang pantao sa kanilang pag-aresto sa mga tambay.

Sa isang press conference sa Camp Crame ngayong hapon, binigyang diin ni Albayalde na “responsive” ang PNP sa human rights sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Mayroon aniyang human rights office ang PNP na inactivate noong taong 2009 na may mga tauhan hanggang sa station level para masiguro na hindi lumalabag ang mga pulis sa karapatang pantao sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Welcome naman aniya ang pagpuna ng publiko na kailangan ng mas malawak na kaalaman sa human rights ng mga rank-and-file na pulis para masiguro na walang maaabusong mamamayan.

Kailangan aniya ng community involvement para maituwid ng PNP ang mangilan-ngilan na pang-aabuso ng mga pulis kung meron man.

Hinimok ni Albayalde ang publiko na i-download ang “know your rights” application ng PNP na available sa android devices para alam ng mga mamamayan ang kanilang karapatan kung sila ay maaaresto sa anumang paglabag.

Binigyang diin ng PNP chief na ang pag-aresto sa mga tambay ay dahil sa kanilang paglabag sa mga lokal na ordinansa at hindi paglabag sa kanilang karapatang pantao. | ulat ni Leo Sarne