Aktibidad ni PRRD sa labas ng Malacañan, nananatiling limitado, kasunod ng naitalang local case ng Delta variant

Nananatiling limitado ang mga galaw o aktibidad ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa labas ng Malacañan.

Ito ang binigyang diin ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nang tanunging kung mababawasan ba ang mga aktibidad ng pangulo, ngayong nakapagtala na ng local case ng COVID-19 Delta variant sa Pilipinas.

Ayon sa kalihim, consistent naman ang pattern ng movement ng pangulo, na kung wala naman itong extraordinary affairs ay nananatili lamang ito sa Palasyo o sa Davao City.

Nakadepende pa rin aniya ang mga lakad ng pangulo sa lugar na kanyang pupuntahan, at sa kahalagahan ng kaganapan na kaniyang dadaluhan.

Samanatala, kaugnay naman sa direktiba ni Pangulong Duterte laban sa Delta variant ng COVID-19, ayon kay Secretary Roque, nakikinig ang pangulo sa mga rekomendasyon ng mga eksperto mula sa Department of Health at National Task Force.

Maghihigpit aniya ito ng community quarantine kung kakailanganin ng siwasyon.

Ang hinihingi lamang aniya ng pangulo sa lahat lalo na sa mga local government unit ay kooperasyon, lalo at hindi naman magpapatupad ng enhanced community quarantine ang national government kung hindi ito kailangan.