Aktibidad ng Pangulo ngayong araw, kanselado na pero mananatili sa Metro Manila

Kanselado na ang mga aktibidad ngayong araw na ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa una nang schedule ng Chief Executive ngayong Biyernes, pangungunahan sana nito ang Armed Forces of the Philippines (AFP)- Philippine National Police (PNP) Joint Command Conference sa Palasyo.

Pero sa pinadalang abiso ng tanggapan ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Feducia Mia-Reyes Lucas, nire-schedule na pala kagabi pa ang pulong ng Pangulo sa matataas na opisyales ng PNP at AFP na ginawa sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa Lunes na ang susunod na aktibidad ng Presidente na gaganapin sa Davao pero inaasahang ito ay mananatili sa Metro Manila hanggang Linggo.

Ito’y upang i-monitor ang aksiyon ng iba’t ibang ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa gagawing pag-ayuda sa mga maaapektuhang residente ng bagyong Ompong. | ulat ni Alvin Baltazar