Adjang-Adjang group, suspek ng Wesmincom sa pambobomba sa Jolo Cathedral

Tinukoy ng Western Mindanao Command (Wesmincom) ang Adjang-Adjang group bilang responsable sa dalawang pagsabog kahapon ng umaga sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.

Ayon kay Wesmincom Spokesperson Col. Gerry Besana, ito ay batay sa CCTV footage na narekober ng mga awtoridad sa lugar.

Paliwanag ni Besana, ang Adjang-Adjang group ay bahagi ng Abu Sayyaf group, na pangunahing nag-o-operate sa mga urban areas.

Batay sa report ng Philippine National Police (PNP)-Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), as of 6PM kagabi, 20 ang namatay sa insidente na binubuo ng 14 na sibilyan, limang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at isang miyembro ng Coast Guard.

Aabot naman sa 111 ang sugatan na binubuo ng 90 sibilyan, 17 miyembro ng AFP, dalawang miyembro ng PNP, at dalawang miyembro ng Coast Guard.   | ulat ni Leo Sarne