Airport personnel na nagsauli sa pasahero ng P1.5-M na naiwan sa Puerto Princesa International Airport, ipinagmalaki ng DoTr

Pinuri ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang ilang airport personnel dahil sa pagiging tapat sa kanilang tungkulin.

Ito’y kaugnay sa pagsauli sa pasahero ng isang bagahe na naiwanan sa arrival area ng Puerto Princesa International Airport na naglalaman ng P1.5 milyong cash.

Nangyari ito noong Hulyo 31 nang makita ng security guard na si Jovani Yumen ang kulay asul na bagahe sa tabi ng isang flower box.

Ipinagbigay-alam naman ito sa airport security personnel at nang buksan ay nakita ang pera kasama ang ilang personal na gamit.

Nalaman na pag-aari ng isang Danilo Dequito ang bagahe at bumalik ito sa arrival area at hinahanap ang naiwang gamit.

Matapos ang berepikasyon, ibinalik ng airport personnel ang naiwanang gamit at pera ni Dequito.

Dahil dito, nagpakita ng paghanga at pagrespeto ang kalihim sa Civil Aviation Authority of the Philippines at sa mga empleyado ng Puerto Princesa International Airport.  | ulat ni Rey Ferrer