Air Force, nagsagawa ng Campus Peace & Dev’t Forum sa paaralan

Nagsagawa ang Philippine Air Force (PAF) sa pangunguna ng Civil Military Operations Group (CMOG) ng Campus Peace and Development Forum sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasay kung saan humigit kumulang 300 estudyante ang nakibahagi.

Ayon kay PAF CMOG Group Commander Lieutenant Colonel Sir Byron De Ocampo ang aktibidad ay regular na programa ng CMOG na layong maprotektahan at maipamulat sa mga kabataan ang infiltration works ng Communist Terrorist Groups (CTGs).

Aniya, isinasagawa ito ng Air Force sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa upang kontrahin ang pagrerekrut at propaganda ng CTGs.

Dagdag pa niya, inisyatibo rin ito ng Air Force bilang pagsuporta sa adbokasiya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) o whole-of-nation approach na wakasan ang 50-taong armadong hidwaan.

Sa isinagawang forum, nagsilbing tagapagsalita si “Lola” na dating miyembro ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA).

Aniya, ang mga recruiter ng mga komunista ay mapanlinlang kung saan sinasamantala nito ang mga isyung panglipunan upang mahila ang mga kabataan sa armadong kilusan.

Aniya, sa una ay aanyahan nila ang mga mag-aaral sa mga symposiums, orientation at workshop lalo na ang mga kabataan na magaling sa sining at agham kung saan isinasama ang mga ito sa rally at kalaunan ay ipinapadala sa bundok.

Pahayag pa ni Lola, ang labang ito ay hindi lang sa bala at baril kundi dapat na maimulat ang mga kabataan base sa reyalidad at kung ano ang maaaring mangyari sa kanila kung sila ay mapabilang sa mga makakaliwang grupo.

Binigyang-diin din ni Lola sa mga mag-aaral na pagmamahal sa pamilya, displina at pagmamahal sa bayan ang kinakailangan ng mamamayan upang makatulong sa bayan at hindi ang armadong pakikibaka.

Paliwanag pa niya, kailaman ay hindi magiging solusyon ang armadong rebolusyon sa problemang politikal, sosyal at ekonomikal ng bansa kundi edukasyon na magbibigay ng tamang pamamaraan sa mga kabataan na makatulong sa bayan.

Samantala, nagpasalamat naman si City University of Pasay Dean of Student Affairs Melvin Crisostomo sa naging aktibidad ng Air Force na lubos na napapanahon at makakatulong sa mga kabataan na maunawaan kung ano ang epekto ng infiltration works ng CTGs sa kapayapaan at kaunlaran ng bansa.