Ahensya ng gobyerno na kilos pagong sa pag-apruba sa vaccination venues, binalaan ng ARTA

Mahaharap sa iba’t ibang kaso ang sinumang opisyal ng pamahalaan na nagpapabagal sa proseso para aprubahan ang isang vaccination venue. 

Babala ito ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) matapos makarating sa kanilang kaalaman ang reklamo ng isang Dr. Samuel Ang ng Chinese General Hospital sa umano’y red tape sa pagpili ng mga vaccination venue. 

Ayon kay ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica, nagsasagawa na sila ng pagsisiyasat sa proseso ng aplikasyon para sa mga venue ng pagbabakuna. 

Mayroon na daw silang ginagawang koordinasyon kay vaccine Czar Carlito Galvez Jr. para pabilisin ang proseso. 

Iminungkahi ng ARTA kay Sec. Galvez na maglagay ng one stop shop para sa mga public at private hospital na nais magkaroon ng mga anti-COVID inoculation program.

Ganito ang ginawa ng ARTA sa pagkuha ng permit sa nga nais mag-apply ng local COVID-19 vaccine.  Sinumang hindi sumusunod sa Republic Act no. 11032 o mas kilala sa Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 at iba pang kahalintulad na batas ay posibleng maharap sa kriminal at administratibong mga kaso.