Agriculture Secretary Piñol, tinanggap ang hamon sa pagbabalik ng tatlong ahensya sa ilalim ng pangangasiwa ng DA

Aminado si Agriculture Secretary Manny Piñol na dagdag trabaho ang pagbabalik ng tatlong ahensya sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Agriculture (DA).

Pero sa kabila nito, sa kanyang opisyal na pahayag buo ang pasya ni Piñol na tanggapain ang hamon at responsibilidad nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik sa DA ang National Food Authority (NFA), Philippine Coconut Authority (PCA) at Fertilizer and I Pesticides Authority (FPA).

Giit ng kalihim, mas mapapalakas pa ang kapabilidad ng kagawaran sa misyon nitong matiyak sa publiko ang sapat na suplay at access sa murang pagkain.

Aniya, kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng NFA ng 60-day buffer stock ng bigas, prayoridad sa pagbili ng lokal na palay at mas transparent na proseso ng rice importation sa bansa.

Sabi pa ni Piñol, mahigpit din nilang tututukan ang problema ng ‘cocolisap’ sa Mindanao at palalakasin ang replanting program sa mga puno ng niyog, habang isasailalim naman sa mabusising rebyu ang mga regulasyon hinggil sa pricing ng fertilizers at pesticides, at istriktong kontrol laban sa pagpasok ng mga nakasasamang agricultural chemicals.

Sa huli, nagpasalamat ang DA chief sa tiwala kaakibat ang pangako na hindi nila bibiguin ang ‘marching order’ ng Pangulo. | via Shane Juan