AFP, wala pang rekomendasyon sa Commander in Chief kung may magkakaroon ba ng Martial Law extension sa Mindanao

Wala pang mabanggit na kongkretong pahayag ngayon ang Armed Forces of the Philippines (AFP) kung irerekomenda ba nila kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng Martial Law sa Mindanao.

Sa pulong balitaan sa Malacañang, inihayag ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez, na sa susunod na linggo pa sila magsasagawa ng assessment sa Mindanao kung kailangan ba o hindi kailangang palawigin ang Batas Militar sa nasabing rehiyon.

Paliwanag ni Galvez, sa susunod na linggo pa mag-uusap ang mga opisyal ng Eastern Mindanao at Western Mindanao Command ng AFP upang alamin ang buong sitwasyon sa Mindanao para malaman ang magiging batayan ng kanilang irerekomenda sa Pangulo.

Hindi din naman masabi ni Galvez kung irerekomenda nila na palawigin ang Martial law dahil mas maganda na tapusin muna ang gagawing assessment.

Pero sinabi din nito na isa sa konsiderasyon na kanilang titingnan ay ang darating na halalan sa susunod na taon, dahil malaki ang naitulong ng Martial law sa seguridad at katahimikan ng nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan Election. | ulat ni Alvin Baltazar