AFP, tiwalang masusugpo ang insurgency sa Davao Region sa taong ito 

Bunsod ng paghina ng puwersa ng New People’ Army (NPA) humina na rin ang problemang insurhensiya sa rehiyon ng Davao.

Binigyan-diin ni Lt. Col. Ezra Balagtey, tagapagsalita ng Eastern Mindanao Command (EMC), dahil sa mataas na bilang ng mga rebelde sa Davao Region na nagbalik-loob sa pamahalaan kabilang na ang kanilang tagasuporta at sumisimpatiya sa kanila, bumaba ang bilang ng engkuwentro sa pagitan ng tropa ng militar at rebeldeng New People’s Army (NPA).

Sa ginanap na lingguhang AFP-PNP press conference kahapon, ipinunto ni Balagtey na kung sa usapin ng pakikipaglaban may kakayahan ang militar na tuldukan ang problema sa insurhensiya ngayong taon, ngunit sa pagtugon sa kahirapan na siyang ugat ng insurgency, mahaba pa ang panahon na gugugulin ng militar, lokal na pamahalaan, at mga stakeholders.

Kaya naman aniya, doble ang pagsisikap ng gobyerno, upang maihatid sa komunidad ang serbisyo at mapalapit ang programa ng gobyerno nang sa gayon ay mabigyan ng masagana at magandang kinabukasan ang mga dating rebelde gayundin ang kanilang pamilya.   | ulat ni Dang Sabdani-Jumala/RadyoPilipinas-Davao