AFP, tatahimik na sa kaso ni Trillanes;  DND, susunod sa Korte Suprema 

Tatahimik na ang Armed Force of the Philippines (AFP) sa kaso ni Senador Antonio Trillanes.

Sa isang statement na inilabas ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, sinabi nito na batid nila na naghain ng petisyon sa Korte Suprema si Trillanes kaya hindi na sila magkukomento sa isyu.

Kasabay nito, tiniyak ni Arevalo na nagkakaisa ang buong Sandatahang Lakas sa likod ng chain of command at rule of law.

Kasalukuyan na aniyang binubuo ng AFP ang General Court Martial na magpapatuloy ng paglilitis kay Trillanes, alinsunod sa Presidential Proclamation 572.

Samantala, inihayag naman ng Department of National Defense sa isang statement na kanilang kikilalanin ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa petition for certiorari, prohibition and injunction with a prayer for the issuance of a temporary restraining order na inihain ng kampo ni Trillanes.

Sa naturang petisyon, kinuwestiyon ni Trillanes ang ligalidad ng pagpapaaresto sa kanya ng Pangulo alinsunod sa Proclamation 572, kasabay ng paghingi ng TRO sa pagpapatupad nito ng AFP at PNP. | ulat ni Leo Sarne