AFP sasama na rin sa PNP sa pakikipagdayalogo sa mga paaralang itinuturong recruitment ground ng NPA  

Iminungkahi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na sumama na rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pakikipagdayalogo ng Philippine National Police (PNP) sa mga paaralang tinukoy bilang recruitment grounds ng New People’s Army o NPA.
Sa isang ambush interview kahapon sa Villamor Airbase, sinabi ni Lorenzana na dapat ay Joint PNP-AFP delegation ang haharap sa mga pangulo ng mga nabanggit na paaralan.
Magugunitang ang AFP ang unang nagbunyag ng mga pangalan ng 18 unibersidad at kolehiyo sa Metro Manila kung saan aktibong nagre-recruit ng mga estudyante ang NPA.
Una namang lumapit ang PNP sa Commission on Higher Education (CHED) para mag-organisa ng pakikipagdayalogo sa mga naturang paaralan.
Ito’y sa layong malaman kung ano ang maitutulong ng PNP sa mga naturang paaralan para mapigilan ang panlilinlang ng NPA sa mga mag-aaral.
Sinabi ni Lorenzana na mahalagang makasama din ang AFP sa pakikipag-usap sa mga opisyal ng paaralan upang mapakinggan ng mga school officials ang panig ng militar, at mapakinggan din ng militar ang panig ng mga school officials.  | ulat ni Leo Sarne