AFP, nanawagan sa mga komunidad na magkaisa laban sa terorismo 

Nanawagan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Edgard Arevalo sa mga komunidad na magkaisa laban sa terorismo.

Ito ay kasunod ng pangalawang pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat na ilang araw lang ang pagitan sa unang pagsabog noong nakaraang linggo.

Kasabay nito ay kinundena ni Arevalo ang pangalawang pagsabog na aniya’y isang “cowardly attack” kung saan ang pangunahing target ay mga walang labang sibilyan.

Kahit na aniya puspusan ang pagsisikap ng AFP at PNP na mapanagot ang mga nasa likod ng mga insidenteng ito at mapigilan ang posible pang pag-atake, magiging mas epektibo ang paghahanap ng hustisya kung magkakaisa ang mga komunidad laban sa mga terorista.

Muling hinimok ni Arevalo ang mga mamamayan na i-report sa AFP at PNP ang anumang kahina-hinalang pagkilos sa kanilang mga komunidad at sikretong ituro ang lokasyon ng mga terorista.

Tinukoy ni Arevalo ang ginawa ng isang street-sweeper na nagsuplong ng kahina-hinalang bagay na itinapon sa basurahan sa tangkang pambobomba sa US Embassy at ang pag-report ng mga residente ng pagdating ng mga terorista sa Inabanga, Bohol, bilang mga ehemplo ng pagkakasugpo sa terorismo sa tulong ng komunidad.  | ulat ni Leo Sarne