AFP, nakikiisa sa mga kapatid na Muslim sa paggunita ng Ramadan

Nagpahayag ng pakikiisa ang Armed Forces of the Philippines sa mga kapatid na Muslim sa bansa at sa buong daigdig sa pagdiriwang ng holy month of Ramadan na nagsimula kagabi.

Sa isang statement, inihayag ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na nawa’y magsilbing paalala ang isang buwang pagninilay at pagdarasal sa kahalagahan ng kapayapaan, pagmamahal, at pakikipagkapwa-tao.

Pinaalalahan ni Arevalo ang mga kapatid na Muslim na mag-ingat din sa panahong ito sa mga nagnanais na maghasik ng kaguluhan.

Nanawagan si Arevalo sa mga kapatid na Muslim na makiisa sa paghadlang ng posibleng masamang balak ng ilan na guluhin ang paggunita ng Ramadan.

Kasabay nito, tiniyak ni Arevalo na ipagpapatuloy ng AFP ang pangangalaga sa mga komunidad laban sa anumang banta nang may konsiderasyon sa naturang okasyon. | via Leo Sarne