AFP, muling nanawagan sa Kongreso na amiyendahan ang Human Security Act 

Muling nanawagan sa Kongreso ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na amiyendahan ang Human Security Act o RA 9372.

Sa isang press conference sa Camp Aguinaldo, sinabi ni AFP Spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na partikular na nais nilang maalis ang probisyon na nagpapataw sa mga awtoridad ng P500,000 pisong multa kada araw sa maling pag-ditine ng isang suspected terrorist.

Nais rin ng militar na gawing 30-araw sa halip na tatlong araw ang panahon na pwedeng iditine ang isang suspected terrorist upang mas mapalawak pa ang pagsasagawa ng imbestigasyon.

Nakikipag-usap din aniya ang AFP sa Kongreso para maaring maideklara bilang terorista ang nag-iisang indibidwal sa halip na organisasyon o grupo ng mga indibidwal tulad ng nakatakda sa kasalukuyang batas.

Bukod dito, kailangan din tanggalin ang probisyon na kailangang ipaalam sa isang suspek kung ito ay subject ng wiretapping.

Ayon kay Arevalo nahihirapan ang militar na tapusin ang terorismo sa bansa dahil sa mga limitasyong ito ng kasalukuyang batas.