AFP Joint Task Force NCR, may bago nang commander

Magriretiro na ngayong araw ang kasalukuyang commander ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force NCR na si Brig. Gen. Alan Arrojado.

Papalitan naman siya ni Brig. Gen. Abraham Claro Casis na kasalukuyang commander ng 703rd Infantry Brigade, 7th Infantry Division ng Philippine Army.

Kabilang sa mga napagtagumpayan ni Arrojado bilang commander ng JTF-NCR ang naging matagumpay at mapayapang pagsasagawa ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections nitong Mayo 2018; pagsuko ng tatlong dating rebelde noong May 16, 2018 na naging susi sa pagkakarekober ng dalawang M14 rifle, apat na M16A1, isang upper receiver ng M16 rifle at isang M653 o baby armalite, mga bala at mga uniporme ng pulis at sundalo sa Sitio Kalbo, Barangay Disimungal, Nagtipunan, Quirino noong Mayo 19, 2018.

Samantala, tubong Nueva Ecija naman si incoming JTF-NCR Commander Casis na miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sandiwa” class of 1985.

Beteranong combat officer rin ito na marami nang napagdaanang operasyon ng militar bilang isang scout ranger at isang special forces operator.

Ilang parangal na rin ang natanggap nito kabilang ang Noble Peace Prize mula sa United Nations at honor graduate award mula sa Command and General Staff College. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion