AFP, hindi na mag-kokomento tungkol kay Trillanes

Nasa civilian court na ang kaso ni Sen. Antonio Trillanes kaya hindi na magbibigay ng anumang komento ang Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa isyu.

Ito ang inihayag ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, sa isang statement kung saan kanyang binigyang diin na nirerespeto ng AFP ang due process at desisyon ng korte.

Kasabay nito, sinabi ni Arevalo na hindi nila papayagan na magkaroon ng direct o indirect participation ang AFP sa anumang political action laban sa duly constituted authorities.

Tiniyak ni Arevalo na ang lahat ng miyembro ng militar ay nananatiling tapat sa konstitusyon, rule of law at sa chain of command.

Muling ipinaala ni Arevalo ang babala ni AFP Chief General Carlito Galvez, Jr., na ang sinumang sundalong lalabag sa AFP regulations ay agarang sisibakin sa pwesto, iimbestigahan, at papatawan ng kaukulang kaparusahan. | ulat ni Leo Sarne