AFP, handang ipatupad ang desisyon ng Pangulo kaugnay ng usapang pangkapayapaan sa mga Komunista

Tiniyak ng AFP ang kanilang kahandaang tuparin ang anumang desisyon ng Pangulo kaugnay ng posibilidad ng muling pagbuhay ng usapang pangkapayapaan sa CPP-NPA-NDF.

Sa isang statement, sinabi ni AFP Public Affairs office Chief Lt. Col. Emmanuel Garcia na ipinauubaya na ng militar sa mga political leaders ang desisyon kaugnay ng usaping ito.

Una rito ay nagpahayag ng pagsuporta ang 60 mambabatas sa pagpapatuloy ng peace negotiations sa mga komunista.

Sinabi ni Garcia na kinikilala ng AFP ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa bansa.

Pero aniya, kailangang magpakita din ng sinseridad ang CPP-NPA-NDF sa kanilang pakikipag-usap sa pamahalaan at tigilan na ang kanilang pang-aambush ng mga pulis at sundalo, pangingikil sa mga negosyo, panununog ng mga pribadong ari-arian, pananakot sa mga sibilyan, at iba pang mga atrosidad.

Kasabay nito tiniyak ni Garcia, na kung ano man ang magiging desisyon ng pamahalaan, ang AFP ay mananatiling tapat sa mandato nito na protektahan ang mga mamamayan at ang estado. | via Leo Sarne