AFP, diskumpiyado sa paghingi ng paumanhin ng NPA sa pag-atake sa Masbate

Diskumpiyado ang Armed Forces of the Philippines sa sinseridad ng New People’s Army sa kanilang pangako na magbayad ng danyos sa pamilya ng mga biktima ng kanilang pagpapasabog ng landmine sa Masbate City noong Hunyo 6.

Ito’y matapos aminin ng tagapagsalita ng NPA na nakagawa ng “tactical error” ang kanilang mga tauhan na nagresulta sa pagkamatay ni FEU Varsity player Keith Absalon at kanyang kamag-anak na si Nolven Absalon, at pagkasugat ng isa pang kamag-anak na menor de edad.

Ayon kay AFP Spokesperson MGen. Edgard Arevalo, marami nang kaparehong krimen na ginawa ang NPA sa nakalipas na panahon pero walang tinupad sa kanilang mga ipinangako sa mga naging biktima.

Sinabi ni Arevalo na kung totoong babayaran ng NPA ang kanilang mga biktima sa pagkakataong ito, dapat bayaran din nila ang lahat ng mga naunang biktima ng kanilang karahasan.

Giit pa ni Arevalo, sa kabila ng paghingi ng dispensa ng NPA sa mga namatayan dahil sa kanilang pagpapasabog ng landmine, patuloy ang pag-iimbak ng terroristang grupo ng mga landmine na ipinagbabawal sa buong mundo ng International Humanitarian Law.