AFP Chief sa media: Tumulong sa kampanya vs NPA

Nanawagan si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Of Staff Lt. Gen. Noel Clement sa media na tumulong sa kampanya laban sa New People’s Army (NPA).

Sa kanyang unang press conference sa Camp Aguinaldo kahapon, binigyang diin ni Lt. Gen. Clement, na ang problema sa CPP-NPA ay hindi lang problema ng militar, kundi problema ng buong bansa.

Ito aniya ang dahilan bakit nilikha ng Pangulo ang National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict, at ipinatupad ang “whole of nation approach,” upang wakasan na ang CPP-NPA.

Paliwanag ni Lt. Gen. Clement, kung kalaban ng buong bansa ang NPA, lahat ng sektor ay dapat na magkaisa kontra sa kalaban, at kasama na dito ang media.

Nilinaw naman ni Lt. Gen Clement, na ang kailangan lang naman gawin ng media ay maging “factual” at patas sa pag-uulat, na hindi pinapaboran ang ginagawa ng mga kalaban.