AFP Chief, pinuri ang kanyang mistah, outgoing PNP Chief, para sa “job well done”

Pinuri ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana ang kanyang mistah na si outgoing Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas para sa “job well done.”

Ito’y matapos na mag-courtesy call si General Sobejana kasama ang mga iba pang matataas na opisyal ng militar kay General Sinas sa Camp Crame nitong Miyerkules.

Ayon kay General Sobejana, nagawa ni Sinas ang kaniyang trabaho at misyon sa kabila ng mga hamon na kaniyang kinaharap lalo na sa gitna ng umiiral na pandemya.

Pinasalamatan din ni Sobejana si Sinas sa kaniyang ibinigay na suporta at kooperasyon sa AFP sa kanilang peace and security efforts.

Kaugnay nito, nagkasundo ang AFP at PNP na palakasin pa ang kanilang ugnayan at koordinasyon sa pagsulong ng peace and stability sa bansa.

Siniguro din ni General Sobejana ang buong suporta ng AFP sa PNP at sa magiging bagong PNP chief.