AFP chief of staff nakipagpulong kay PNP Chief Oscar Albayalde sa PRO 8 Regional Headquarters

Nagtungo ngayong umaga si Armed Forces of the Philipines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez sa PRO 8 Regional Headquarters sa Camp Kangleon, Palo, Leyte para personal na makipagpulong kay Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde.

Ito ay kasunod ng misencounter noong Lunes sa pagitan ng mga tropa ng 87 Infantry Battalion ng Philippine Army at 805th Mobile Company, RMFB 8 ng PNP sa Sta. Rita Samar noong Lunes ng umaga.

Unang nagtungo ang PNP Chief kahapon sa PRO 8 para personal na makakuha ng detalye kaugnay ng insidente mula sa police at military officials ng Region 8 sa pangunguna ni PRO8 Director Police Chief Supt. Mariel Magaway at Philippine Army 8 Infantry Division Commander Maj. General Raul Farnacio.

Ngayong umaga naman, nagpulong ang PNP chief at AFP chief sa isang closed door meeting.

Para mas malinawan ang mga pangyayari sa naganap na misencounter na ikinasawi ng anim na pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa, isang re-enactment ng insidente ang nakatakdang isagawa ngayong araw. | ulat ni Leo Sarne