AFP Chief, nagpasalamat sa Kongreso sa pag-apruba ng budget ng militar

Nagpahayag ng pasasalamat si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Benjamin Madrigal sa 17th congress sa pagkaka-apruba ng kanilang budget para sa 2019.

Sa isang statement, sinabi ng AFP chief, na ang pagkakaapruba ng kanilang budget ay titiyak sa pagpapatuloy ng mga operasyon ng militar para panatilihing ligtas sa anumang banta ang mga komunidad sa bansa.

Kabilang sa budget ang ikalawang installment ng dagdag-sahod ng mga sundalo.

Batay sa Department of Budget and Management (DBM), para sa taong 2019, P89-bilyon ang alokasyon ng Philippine Army (PA), P24.6-bilyon ang sa Philippine Air Force (PAF) at P27.8-bilyon ang Philippine Navy (PN).

Tiniyak naman ni Madrigal, na pangangalagaan ng militar ang pag-gastos sa kanilang pondo.

Mayroon aniyang mga itinatag na “safeguards” kontra sa korapsyon para masiguro na mapaparusahan ang mga responsable sa pag-aaksaya ng pondo ng bayan. | ulat ni Leo Sarne