AFP Chief, idineklarang tapos na ang giyera sa pagitan ng pamahalaan at MILF 

Idineklara ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Carlito Galvez Jr. na tapos na ang giyera sa pagitan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Ang deklarasyon ay ginawa ng AFP chief sa kanyang makasaysayang pagbisita sa Camp Darapanan, na sentro ng kapangyarihan ng MILF, nitong Sabado.

Sa kanyang pagbisita, nakapulong ni Galvez si MILF Chairman Al Hajj Murad Ebrahim, na ipinagkaloob kay Galvez ang “Soldier of Peace” award.

Ito ang unang pagkakataon na iginawad ang parangal sa isang opisyal ng militar.

Isa ring natatanging pagsalubong ang ipinagkaloob ng MILF kay Galvez, kung saan 6,000 miyembro ng MILF ang humanay sa magkabilang panig ng limang kilometrong kahabaan ng highway Cotabato City, patungong Simuay, Sultan Kudarat Municipality, Maguindanao para magbigay pugay sa pagdaan ng convoy ng AFP chief.

Ayon kay Galvez, mas maganda ang naging resulta ng peace talks sa MILF kaysa sa NPA dahil may palabra de honor o “Maratabat” ang MILF, habang ang CPP/NPA ay mapanlinlang, “manipulative” at hindi sinsero.  | ulat ni Leo Sarne