AFP Chief, humingi ng paumanhin sa magulang ni Cadet 4Cl Darwin Dormitorio

Humingi ng paumanhin si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Lt. Gen. Noel Clement sa pamilya ni 4th Class Cadet Darwin Domitorio, ang kadeteng namatay sa hazing sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City.

Ito ay ginawa Lt. Gen. Clement sa kanyang mensahe sa change of command ng PMA kahapon, kung saan pormal nang iniluklok ang bagong PMA superintendent na si Radm Allan Ferdinand Cusi kapalit ni Lt. Gen. Ronnie Evangelista, na nag-resign bilang pag-ako ng command responsibility sa pagkamatay ni Dormitorio.

Sinabi ni Lt. Gen. Clement na batid niyang hindi sapat ang paghingi niya ng dispensa pero umaasa siya sa pang-uunawa ng mga magulang ni Dormitorio na si Retired Col. William Dormitorio at asawang si Jazy Dormitorio.

Kasabay nito, tiniyak ni Clement sa iba pang mga magulang ng mga kadete sa PMA na ang nangyari kay Dormitorio ay hindi na mauulit.

Giit ni Lt. Gen. Clement na ang nangyari kay Dormitoryo ay isolated case lang at hindi pangkaraniwang nangyayari sa PMA.

Sinabi pa ni Clement na nagdeklara ng war on hazing ang bagong commandant of the corps of cadets na si Brig. Gen. Romeo Brawner, upang tuluyan nang matigil ang ganitong gawain sa PMA.