AFP Chief, binalaan ang mga sundalo na huwag makihalo sa “partisan politics” 

Binalaan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. ang lahat ng miyembro ng AFP na huwag makilahok sa “partisan politics”.

Kasabay nito, ipinag-utos ng AFP chief sa buong militar na manatiling tapat sa Konstitusyon at sa Chain of Command.

Sa isang pahayag, sinabi ni Galvez na ang mga susuway sa kautusang ito ay agad tatanggalin sa pwesto at iimbestigahan.

Kasabay nito, binalaan din ni Galvez ang mga grupo na gumagawa ng usapin para magkawatak-watak ang AFP na hindi sila magtatagumpay.

Pinabulaanan rin ni Galvez ang balitang pinapakalat ng ilang grupo na may ugong-ugong sa hanay ng militar, at sinabing nagkakaisa at solido ang buong AFP.

Ayon sa AFP chief, batid niya na may kanya-kanyang opinyon ang bawat sundalo sa isyu tungkol kay Sen. Antonio Trillanes, pero lagi aniyang nangingibabaw sa AFP ang interes ng organisasyon at ng bayan.  | ulat ni Leo Sarne