AFP, bukas sa mga reklamo ng mga taga-Mindanao ukol sa Martial law

Bukas ang Armed Forces of the Philippines sa mga reklamo ng mga taga-Mindanao kaugnay ng ipinaiiral na batas militar sa lugar.

Sinabi ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kung mayroon mang mga sumbong ang mga mamamayan ng pang-aabuso na nagaganap sa pagpapairal ng Martial law sa Mindanao, iparating lang sa kanila ito.

Maari aniyang dumulog ang mga nagsasabing sila ay biktima sa pinakamalapit na Army headquarters nang sa gayon ay maidaan sa tamang proseso ang kanilang akusasyon.

At kung sakaling sa korte man dumeretso ang mga may reklamo, handa rin aniyang harapin ng militar ang mga alegasyon.

Tiniyak ni Arevalo na bilang bilang tagapagpatupad ng batas at tagapagprotekta ng taumbayan, hindi kukunsuntihin ng militar ang pang-aabuso ng mga sundalo kung meron man.

Nabatid na nitong Sabado nagkaroon ng isang forum sa University of the Philippines bilang paggunita sa unang anibersaryo ng Marawi at ng Batas Militar sa Mindanao.

Dito ikinuwento ng ilang katutubo ang kanilang nararanasan na pang-aabuso kung saan pinapatay at inaaresto ang iba sa kanila ng militar dahil sila ay napagbibintangang NPA at humingi ng tulong kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. | via Leo Sarne