AFP at MILF, kampante na magiging mapayapa ang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law

Kampante ang Armed Forces of the Philippines (AFP) At Moro Islamic Liberation Front (MILF) na magiging mapayapa at maayos ang isasagawang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law.

Ito ang inihayag ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. at MILF Chair Al Haj Murad Ebrahim matapos na magpulong sa Camp Aguinaldo kahapon.

Ayon kay Galvez may mga namonitor na mga lugar ang militar kung saan may potensyal ng kaguluhan sa Mindanao pero “manageable” lang aniya ito.

Paliwanag ni Galvez, hindi naman kasi ito katulad ng regular na eleksyon na may mga magkalabang paksyon.

Sinabi naman MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim na nakikipag-coordinate na ang MILF sa Joint Ceasefire Committee para sa isasagawang plebesito.

Sa ngayon aniya ay silang itinuturing na hotspots at umaasa syang hanggang sa mismong araw ng plebesito ay mananatiling mapayapa sa Mindanao.

Ang dalawa ay nagpulong ng mahigit isang oras sa Camp Aguinaldo kahapon sa kauna-unahang pagkakataong bumisita sa AFP General headquarters ang pinuno ng MILF.  | ulat ni Leo Sarne