Administrasyong Duterte, tiniyak na gugugulin ang pondo ng gobyerno para sa mga Pilipinong kapos

Tiniyak ng Administrasyon na handa nitong gugulin ang pondo ng pamahalaan para makatulong lalo na sa mga may pangangailangang medikal.

Ayon kay Special Assistant to the President Secretary Bong Go, walang pagdadalawang isip ang intensiyon ng gobyerno na tumulong para sa mga walang kakayahang makapagpagamot dahil sa kakulangang pampinansiyal.

Sukdulan ani Go, na maubos ang pondo ng gobyerno gayung ang pagtulong ng administrasyon sa mga nangangailangan ay pera ng taong bayan na ibinabalik lamang ng pamahalaan.

Dagdag pa ni Go ipinagpapatuloy lamang nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang ginagawa sa Davao sa nakalipas na 20 taon at ito ay ang tumulong sa mga nangangailangan ng atensiyong medikal.

Matatandaang 100 milyong pisong subsidya ang inilaan ni Pangulong Duterte kada buwan sa PGH habang 50 milyong pisong subsidy naman ang ibinigay na ayuda ng Presidente sa Veterans Memorial Medical Center. | via Alvin Baltazar