ACTO, hiniling sa Ombudsman na patawan ng preventive suspension sina LTFRB Chair Delgra at Board Member Ronaldo Corpuz

Hiniling ngayon ng grupong Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) sa Office of the Ombudsman na patawan ng agarang preventive suspension sina LTFRB Chairman Martin Delgra at Board Member Ronaldo Corpuz.

Ito ay kasunod ng pagsasampa ng ACTO ng kasong graft laban sa dalawang matataas na opisyal ng regulatory agency.

Giit ni ACTO President Efren De Luna, malaki ang naging epekto sa kanilang hanay ng ginawang pagpabor umano nina Delgra at Corpuz sa ilang transport organizations at mga kooperatiba na binigyan ng prangkisa sa inilabas na bagong mga ruta sa iba’t ibang panig ng bansa.

Batay sa walong pahinang reklamo ng transport group, magkatuwang na pinirmahan ng LTFRB officials ang Board Resolution No. 045 bilang bahagi ng implementasyon ng PUV modernization program pero nagulat ang samahan dahil mayroon na umanong nakatalagang asosasyon o kooperatiba na nakakuha ng prangkisa para sa mga bagong ruta.

Paliwanag ni De Luna, malinaw na ipinakita ng ahensya ang ‘due advantage’ sa ibang grupo habang nakatunganga sila na matagal nang naghintay at sumuporta sa isinusulong na modernisasyon sa public transport.

Dahil umano sa katiwaliang ito, iginiit ng lider ng transportation group na marapat lamang na suspendihin sina Atty. Delgra at Corpuz. | ulat ni Shane Juan