Acting governor ng Batanes, kinondena ang pang-aabuso ng mga pulis

Kilala bilang tahimik at zero-crime province ang lalawigan ng Batanes ngunit nitong nakaraang Sabado at Linggo kumalat sa social media ang ilang nagaganap na pang-aabuso ng ilang mga otoridad sa mga Ivatan o mamamayan ng Batanes. Kaugnay dito naglabas ng isang pahayag ang Acting Provincial Governor ng lalawigan.

Ayon sa inilabas na pahayag ni Acting Governor Ignacio C. Villa, mariing kinokondena at hindi pahihintulutan ang anumang pang-aabuso ng sinomang otoridad sa pag papatupad ng Enhance Community Quarantine sa lalawigan ng Batanes. Kaugnay dito, inilabas ngayong araw ang Executive Order No. 22 s. 2020 na bubuo ng “Ad Hoc Fact-Finding Committee” upang imbestigahan at aksyunan ang naturang sumbong ng ilang mamamayan.

Hinihikayat naman ng pamahalaan ang lahat ng may kilalang inabuso o dumanas ng pang-aabuso sa mga otoridad habang ipinapatupad ang ECQ na lumapit o magsumbong sa Ad Hoc Fact-Finding Committee sa pamamagitan ng kanilang Secretariat sa opisina ng DILG-Batanes, Ground Floor, Provincial Capitol Complex, maaari ring tumawag sa kanilang numero na 0939-325-9440.

Hinihiling parin ni Acting Governor Villa sa mga kapwa Ivatan na patuloy pa ring sumunod sa ipinapatupad na ECQ at isumbong ang mga mapang-abusong otoridad o mga lumabag sa panuntunan upang ma-imbestigahan, maaksyunan at hindi na kumalat ang takot sa buong lalawigan.