Academy para sa entrepreneurs, isinusulong sa Senado

Naghain si Senador Joel Villanueva ng isang panukalang batas na layong magtatag ng Philippine Entrepreneurs Academy. 

Sa ilalim ng Senate Bill 2205, magtatayo ng isang academy na may mga degree program at training para sa entrepreneurship. 

Giit ni Villanueva, dapat nang magbago ang mindset ng mga graduate sa bansa mula wage employment patungong self-employment. 

Tutulungan rin aniya nito ang paglago ng mga high-value enterprises o MSMEs (micro, small and medium enterprises) sa bansa at magdudulot ng pagpapasigla ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagdagdag ng trabaho, teknolohiya, at produksyon. 

Sa ilalim ng panukala, ang itatatag na academy ay magtuturo ng degree programs, technical-vocational courses, at entrepreneurship development training sa larangan ng agrikultura, pangangalakal, teknolohiya, at manufacturing.

Magiging bahagi rin ng ituturo sa panukalang Academy ang mga programa at kursong binuo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Science and Technology (DOST), at iba pang ahensya ng gobyerno. 

Inaasahang makapagtatayo ng mga campus nito sa Baguio City at Clark, Pampanga.