Abu Sayyaf member, patay sa engkwentro sa Sulu

Napatay ng mga tropa ng Special 2nd Force Batallion ang isang miyembro ng Abu Sayyaf, at naaresto ang isa pang babaeng Abu Sayyaf member sa engkwentro sa kagubatan ng Talipao, Sulu, nitong Linggo.

Ayon kay Major Arvin Encinas, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WesMinCom), na-recover ng mga tropa ang bangkay ng napatay na Abu Sayyaf, makalipas ang 30 minutong pakikipagbakbakan sa tinatayang 30 ASG members.

Naaresto din pagkatapos ng labanan ang isang babaeng ASG member na kinilalang si Nursaina Jarad Sahi, na nagtamo ng shrapnel wounds sa iba’t ibang bahagi ng katawan at dinala sa Camp Bautista Station Hospital.

Na-recover naman ng mga militar ang M16 rifle na may M203 grenade launcher at Galil rifle na may M203 grenade launcher.

Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander Maj. Gen. Corleto Vinluan, Jr., nagsasagawa sila ng tactical offensive nang maka-engkwentro nila ang mga terorista sa Sitio Kan Pataw, Barangay Upper Sinuman.

Sinabi ni Vinluan, na ang nahuli nilang sugatang babaeng ASG, na asawa ng isa sa mga terorista ay inabandona ng kanyang mga kasamahan matapos ang labanan.