Abot na sa 33 katao ang nahuli sa Comelec checkpoints habang 404 naman sa illegal drugs ngayong buwan ng Enero — QCPD

Mula nang ilatag ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga Comelec checkpoints sa Quezon City, abot na sa 33 katao ang nahuling lumabag habang 404 naman ang inaresto dahil sa illegal drugs mula Enero 13 hanggang 29 ngayong taon.

Ayon kay QCPD Director PCSupt Joselito Esquivel, mula nang pasimulan ang implementasyon ng election gun ban noong Enero 13, mahigit sa 400 checkpoints ang inilatag sa iba’t ibang lugar sa lungsod.

Nakumpiska mula sa kanila ang 29 na short at apat na long firearms, dalawang gun replicas, 272 iba’t ibang klase ng bala, 23 bladed weapons at tatlong hand grenade.

Bukod dito may dalawang robbery suspects pa na nagbalewala sa checkpoint na minamantine ng Batasan Police Station sa Payatas Road kanto ng Molave Street ang napatay noong Enero 16, matapos makipagbarilan sa mga pulis.

Samanatala, nadagdagan pa ang bilang ng mga taong nahuhuli dahil sa illegal drugs.

Ngayong buwan, lamang karagdagang 404 drug personalities ang naaresto ng QCPD anti-drug personnel mula sa 185 anti-drug operations.

Muling nanawagan ang QCPD sa publiko na makipagtulungan lalo na sa pagdaan sa mga inilatag na checkpoints at pinayuhan na ipagbigay alam din sa mga kinauuukulan ang anumang iregularidad ng mga pulis na nagsasagawa ng checkpoints.  | ulat ni Rey Ferrer