Aangkatin pang bigas para sa Zambasulta, inaasahang darating sa loob ng 20 araw – DA Sec. Piñol

Tiniyak ni Agriculture Secretary at National Food Authority (NFA) Council Chairman Manny Piñol na tama lang at hindi susobra sa consumption requirement ang aangkating bigas para sa Zamboanga, Basilan, Sulo at Tawi-Tawi (Zambasulta) areas.

Kasunod nito ang pag-apruba ng NFA Council sa pag-angkat ng 132,000 metric tons import allocation para sa nabanggit na mga lugar.

Ayon kay Piñol, ang 32,000 MT ng bigas mula sa unutilized minimum access volume ay inilaan bilang tugon sa rice crisis doon.

Inaasahang darating ito sa susunod na 15 hanggang 20 araw pagkatapos ng procurement process at tatagal ang suplay sa loob ng dalawang buwan.

Habang ang nalalabing 100,000 MT ng bigas ay idadaan sa normal na proseso ng NFA sa pag-aangkat sa pamamagitan ng government to private bidding process.

Ito naman ay gagamitin bilang buffer stocks para sa mga susunod na buwan.

Iprinisinta na rin ng kalihim ang pagtatatag ng rice trading center na magsisilbing unloading depot para sa delivery ng bigas mula sa labas ng ZAMBASULTA.  | ulat ni Rey Ferrer