Aabot sa 200 indibidwal sa Mati City sa Davao Oriental, pinalikas dahil sa baha

Tinatayang aabot sa 200 mga indibidwal sa Mati City, Davao Oriental ang inilikas ngayong araw, dahil sa pagbaha matapos umapaw ang isang creek.

Sa pahayag na ipinadala ni Mati City Information Officer Ben Jason, tinatayang nasa 157 katao mula sa Barangay Matiao ang pinalikas simula kaninang umaga, dahil pumasok na ang tubig sa mga kabahayan na malapit sa nasabing creek.

Nananatili sa Barangay Evacuation Center ang mga nasabing tao, pero agad itong bumalik sa kanilang kabahayan matapos humupa ang baha.

Samantala, nasa 42 naman na indibidwal ang pinalikas mula sa Barangay Don Enrique Lopez, na ngayon ay pansamantalang nanunuluyan sa Pagsilaan Elementary School.

May mga naitala ring landslide na nangyari sa Purok Daisy, Barangay Buso, at Sitio Biasong sa Barangay Don Salvador Lopez.

Sa ngayon, patuloy pa ring nakaalerto ang mga rescue unit ng Mati City government kasama ang iba pang volunteer rescue groups.