A4 vaccination sa San Juan, ininspeksyon ni NTF Chief Sec. Czar Galvez

Nagtungo sa San Juan City sina National Task Force (NTF) Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr. at Deputy Implementer Vince Dizon, para inspeksyunin ang proseso ng A4 vaccination sa lungsod.

Ito ang ikalawang araw ng vaccine rollout para sa essential workers sa San Juan, kung saan kabilang sa mga binabakunahan ay mga Muslim workers na nagtatrabaho sa Greenhills Shopping Mall.

Binati naman ni Sec. Galvez si Francis Mayor Zamora, dahil sa mabilis na deployment nito ng COVID-19 vaccines.

Ayon sa alkalde, sa pagsisimula kahapon ng A4 category nasa 2,500 na manggagawa na ang nabakunahan sa lungsod.

Tuloy-tuloy aniya itong ikakasa sa dalawang vaccination site, hanggat steady ang suplay na natatanggap nito mula sa national government.

Sa ngayon, mayroon pa umanong natitirang 11,000 doses ng COVID-19 vaccines ang local government na target naman ubusin ngayong linggo.

Nagbigay na rin ng commitment si Sec. Galvez sa San Juan, na mabibigyan ito muli ng karagdagang alokasyon sa pagdating ng additional suplay mula sa vaccine manufacturers.