Rep. Atienza, inalmahan ang dagdag-singil ng Manila Water

Binatikos ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza ang pahayag ng Manila Water na posibleng magtaas ito ng hanggang 780% sa kanilang water rate matapos katigan ng Korte Suprema ang pagpapataw dito ng P921 milyon na multa dahil sa paglabag sa Clean Water Act, sa kabiguang magtayo ng waste water treatment facility.

Ayon kay Atienza, sa halip na sumunod sa utos ng Korte Suprema ay tila bina-black mail pa nito ang mga consumer sa pamamagitan ng pagpapataw ng mas mataas na singil sa tubig.

Aniya, sa loob ng dalawampu’t dalawang taon ay sinisingil ng Manila Water ng “environmental charge” ang mga consumer nito para sana sa interconnection ng mga sewer system ng kabahayan patungo sa isang waste water facility, ngunit hindi naman tinupad.

Dagdag pa ng kongresista, isa ito sa mga dahilan kung bakit hindi dapat isinasapribado ang “essential needs” dahil pinagkakakitaan lamang ito ng mga businessmen.

Taong 2009 ng masita ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang Manila Water at Maynilad dahil sa non-compliance sa Clean Water Act at sa probisyon ng kanilang concession agreement.

Hiniling naman ni Atienza kay Pangulong Rodrigo Duterte na tingnan at suriin ang concession agreement at kung maaari ay i-revoke na ito.