House Committee on Ways and Means ng 18th Congress, tinalakay ang mga tax reform programs ng pamahalaan

Isinagawa ngayong araw ang unang organizational meeting ng House Committee on Ways and Means.

Tinalakay ng komite ang estado ng Tax Reform Programs ng pamahalaan, isa na nga rito ang dagdag na buwis sa tobacco at alcoholic products.

Una nang sinabi ni Committee Chair Joey Salceda na balak nilang maipasa ang dagdag sa ‘sin’ tax ngayong linggo lalo’t kabilang ito sa limang priority measures na napag-usapan sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.

Ito rin ang inaasahang makatutulong sa funding gap para sa Universal Health Care Law.

Bahagya namang nagkaroon ng suspensyon ang hearing matapos igiit ni Cagayan de Oro City 2nd District  Rufus Rodriguez na dapat sundin ang nakasaad sa konstitusyon hinggil sa pagdinig ng mga panukala.

Karamihan kasi sa mga mambabatas ay nais sundin ang Rule 10 Section 48 ng House Rules kung saan ang mga panukala na pumasa na noong 17th Congress ay dadaan na lang sa isang hearing.

Iginiit ni Rodriguez na wala siya noong 17th Congress at karapatan niya at ng iba pang bagong mambabatas na mabusisi ang panukala.

Pinagdedebatihan pa sa ngayon kung kaninong bersyon ng panukala ang dadalhin sa plenaryo. Kung ito ba ang Department of Finance (DOF) version o ang naaprubahang panukala na inihain ni Salceda.

Nasa pulong din ngayon ang mga kinatawan ng DOF na sina Assistant Secretary Tony Lambino, Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Cesar Dulay, maging si Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Domingo.