95% ng empleyado ng House secretariat, fully vaccinated na

Nasa 95% na ng mga empleyado ng Mababang Kapulungan ang fully vaccinated.

Ito ang ibinahagi ni House Sec. Gen. Mark Llandro Mendoza kasabay ng pagpapatuloy ng drive-thru booster vaccination ng Kamara.

Kasalukuyan naman aniyang kinakalap pa ng kanilang tanggapan ang bilang ng mga nakatanggap na ng booster dose sa labas ng HREP tulad ng mga congressional staff na sa mga distrito na nagpabakuna.

Ngunit sa huling tala hanggang nitong nakalipas na linggo 400 na empleyado na ang nabigyan ng ikatlong dose ng COVID-19 vaccine sa pamamagitan ng kanilang programa.

Inaasahan naman na magpapatuloy ang pagbibigay ng booster jab sa loob ng dalawang linggo.

Umabot naman na sa 70 ang active cases ng COVID-19 sa mga empleyado at miyembro ng Mababang Kapulungan.

Pagtitiyak naman nito na ang mga naturang kaso ay nakuha sa labas.

Bagamat balik sesyon na ang Kamara ngayong araw, hindi pa rin aniya tatanggap ng bisita ang Batasan Complex hangga’t mataas pa rin ang bilang ng nagkakasakit.