90% ng biyahe sa MM, naparalisa ng tigil-pasada – ACTO

Itinuturing ng ACTO Jeepney Transport Group na tagumpay ang kanilang inilunsad na nationwide transport strike ngayong araw.

Ayon kay ACTO President Efren de Luna, base sa kanilang assessment as of 12:00 ng tanghali, naparalisa ang biyahe ng jeepney sa Metro Manila ng 90% habang 80% hanggang 90% naman sa mga lalawigan.

Minaliit lamang nito ang monitoring ng LTFRB  na hindi gaanong naramdaman ang tigil-pasada lalo na sa mga lalawigan.

Banta pa ng grupo na mauulit ang tigil-pasada kapag hindi pa pinakinggan ng gobyerno ang kanilang kahilingan.

Nanawagan si De Luna kay Pangulong Rodrigo Duterte na panghimasukan na ang problema sa transportasyon.

Nais nito na magkaroon ng magkasalubong na proposal at magkaroon ng tunay na pag-uusap na mapagkakasunduan.

Naniniwala si De Luna na hindi lamang sa ikagaganda ng bansa ang iniisip ng Pangulo kundi ayaw din nito na mamatay ang kabuhayan ng jeepney drivers.