9 na kadete sinampahan, ng kasong “serious physical injuries” sa pambubugbog sa 6 na bagong graduate ng PNPA

9 na kadate ang sinampahan ng kasong “serious physical injuries” sa Cavite Provincial Prosecutors Office kahapon kaugnay ng insidente ng pambubugbog noong nakaraang linggo sa anim na bagong graduate ng PNPA Maragtas Class 2018.

Ito’y matapos na maghain ng pormal na reklamo ang dalawa sa anim na biktima na sina PInsp. Ylam B. Lambenecio at PInsp. Arjay M. Divino.

Ang apat na iba pang biktima ng pambubugbog na sina PInsp. Mark Kevin R. Villares, PInsp. Floyd Q. Traqueña, PInsp. Jan Paul Dalapus at JInsp. Arjay M. Cuasay, ay nag-execute ng affidavit sa Silang Municipal PNP na hindi sila interesadong magsampa ng reklamo laban sa mga suspek sa insidente.

Kinilala ni PNPA Director CSupt. Joseph Adnol ang siyam na kadeteng suspek sa pambubugbog na sina:
1. Cadet 2nd Class Donald Ramirez Kissing
2. Cadet 2nd Class Delos Santos
3. Cadet 2nd Class Jem Camcam Peralta
4. Cadet 2nd Class Clint John Baguidodol
5. Cadet 2nd Class Paul Christopher de Guzman Macalalad
6. Cadet 2nd Class Loreto Aquino Tuliao Jr.
7. Cadet 2nd Class Calamba
8. Cadet 2nd Class Coplat, at
9. Cadet 2nd Class Amanon.

Ayon kay Adnol, naganap ang insidente pagkatapos ng graduation ceremony noong Miyerkules, kung saan pagbalik sa barracks ng mga bagong graduate, pinagtulungan umano silang bugbugin ng mga underclassmen na kadete gamit ang mga bato at arnis.

Una nang inihayag ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na base sa kwento ng mga miyembro ng PNPA Alumni Association na nakausap niya, may panahon na ang ganitong pambubugbog ay naging “tradisyon” sa PNPA pero matagal na itong natigil.

Binigyang-diin ni Dela Rosa na kung naibalik man ang “tradisyon” na ito sa PNPA, ay kailangang ipatigil ito dahil ito ay nagpo-promote ng “culture of violence” sa hanay ng mga pulis. | via Leo Sarne