86% Pinoys na nagsabing positibo ang kanilang pamumuhay, senyales na ramdam nila ang ginagawa ng administrasyon – Palasyo

Welcome sa Palasyo ang pinakahuling resulta ng Anamnestic Comparative Self-Assessment (ACSA) survey ng Social Weather Staton (SWS) kung saan lumalabas na 86% o 9 sa 10 adult Filipino ang nagsabi na positibo ang kanilang pamumuhay noong last quarter ng 2018.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bunga ito ng walang humpay na pagkayod ni Pangulong Rodrigo Duterte kaisa ang mga opisyal ng pamahalaan, upang tuldukan ang kahirapan sa bansa at nang mabigyan ng komportableng buhay ang mga Pilipino. Bagay na hindi aniya pinapansin ng mga kritiko ng administrasyon.

Ayon kay Panelo, bagamat binibigyang prayoridad ng Pangulo ang pagsusulong ng kaayusan at kapayapaan sa bansa, hindi rin maipagkakaila na pinagtuunan rin ng pansin ng Pangulo ang pundasyon na magsusulong sa progreso ng bansa.

Kabilang dito ang mga panukalang naisabatas na layong pababain ang kahirapan at tulungan ang mga mahihirap sa bansa, tulad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at Magna Carta of the Poor. Maging ang pagkakaloob ng lupa sa mga magsasaka at ang pagbibigay ng training, at livelihood assistance sa mga pinauwing OFW mula sa iba’t ibang mga bansa.

Kasama rin ang mga proyekto ng pamahalaan partikular ang BBB program, na nagpasok ng maraming foreign investment sa Pilipinas na siyang nagpatatag aniya sa ating ekonomiya.

Ayon kay Panelo, patunay lamang ito na nararamdaman ng mga Pilipino ang ipinatutupad na hakbang at mga accomplishment ng administrasyon.

Makakaasa aniya ang mga Pilipino na hindi titigil ang pamahalaan sa pagkayod, hanggat maramdaman ng lahat ng taxpayers na sulit ang pinatutunguhan ng kanilang mga ambag sa bansa.