82% ng AstraZeneca at 84,000 Pfizer vaccines, naipamahagi na sa iba’t ibang lugar sa bansa

Umakyat na sa 82 percent o katumbas ng 1.6 million doses mula sa higit dalawang milyong doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines, na natanggap ng Pilipinas mula sa COVAX Facility ang nai-deploy na sa iba’t ibang local government sa bansa.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Health Undesecretary Myrna Cabotaje ng National Vaccination Operation Center, na nasa 361, 000 doses na lamang ng AstraZeneca ang naghihintay ng flight upang mai-deploy na rin.

Samantala sa 193,500 doses naman ng Pfizer na dumating sa bansa, nasa 84,000 doses dito ang naipamahagi na.

Ayon kay Usec. Cabotaje, nagpapatuloy lamang ang deployment ng Pfizer sa National Capital Region (NCR). Habang kahapon, una nang naipadala ang ilang bahagi nito sa Cebu at Davao.

Aniya, ngayong nagdaratingan na ang mas maraming bakuna sa bansa, umaasa ang pamahalaan na makakapagbakuna na ng nasa 60-70,000 na indibidwal kada araw, lalo na sa mga susunod na buwan.