8 high profile inmate, sangkot sa ‘hospital pass for sale’ – Sen. Bong Go

Walong high profile inmate ang sinabi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go na sangkot sa tinatawag na ‘hospital pass for sale’ o ang pagbabayad ng mga inmate kapalit ng pagpapa-confine sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) Hospital.

Ayon kay Go, isang high profile inmate ang lumapit sa kanya upang isiwalat ang impormasyon na ito.

Ginagamit aniya ng walo, na karamihan ay nakulong dahil sa iligal na droga, ang pananatili nila sa ospital para maipagpatuloy ang kanilang illegal drug transaction.

Sinabi pa ni Go na kadalasang nangyayari ang iligal na transaksyon sa Medical Ward 3, Medical Annex at Building 14 ng ospital.

Hindi na idinetalye ni Go ang nagiging transaksyon ng mga ito pero sa loob aniya ng ospital ay nakakagamit ng telepono ang mga inmate para makipagtransaksyon sa mga tao sa labas ng Bilibid.

Sinabihan na aniya ng senador ang National Bureau of investigation (NBI) na kumpirmahin at imbestigahan ang mga impormasyong ito.

Inaasahang isa ang ‘hospital pass for sale’ sa mga tatalakayin sa pagpaoatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga kontrobersiya sa Bureau of Corrections (BuCor).