8 heinous crime convicts, kinuwestyon sa SC ang binagong IRR ng GCTA Law

Dumulog sa Supreme Court (SC) ang walong heinous crime convicts ng New Bilibid Prison (NBP) upang kuwestyunin ang binagong Implemeting Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act 10592 o ang Expanded Good Conduct Time Allowance law.

Pinangunahan ng inmate na si Russel Fuensalida, na nahatulan ng rape noong 1993 ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema. Kabilang sa mga inmate na nagpetition sina Toshing Yiu, Benjamin Galvez, Cerilo Obnimaga, Urbano Mison, Roland Gamba, Pablo Panaga at Rommel Deang.

Pinangalanang respondent sa petisyon sina Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Chief Allan Iral.

Base sa nasabing petisyon, nais ng mga petitioner na pigilan ang BuCor na ipatupad nang retroactive ang exclusion na nakasaad sa Section 1 ng RA 10592.

Kinukuwestyon din ng mga inmate ang legalidad at constitutionality ng ilang probisyon ng revised IRR kabilang dito ang patungkol sa exclusion o hindi pagkakasali sa mga dapat makinabang sa GCTA ang mga PDL na
recidivists, habitual delinquents, escapees at mga convicted sa kasong heinous crimes.

Giit ng mga inmate na petitioner, hindi naman kasama sa orihinal na teksto ng batas ang mga tinukoy na exclusion sa revised IRR.

Nais din ng mga heinous crime convict na ipawalang bisa ng Korte Suprema ang transitory provisions ng revised IRR na tumutukoy sa PDLs, na nakulong bago at matapos maging ganap na batas ang RA 10592 sa paniwalang paglabag ito sa “equal protection clause” at probisyon ng Revised Penal Code para sa retroactive application ng batas na dapat pabor sa akusado.

Humirit pa ng mga heinous crime convicts, na kailangan na magsagawa ng BuCor at BJMP ng recomputation sa kanilang credits sa ilalim ng GCTA para sa kanilang agarang paglaya.