750-gramo ng marijuana, P120K na halaga ng shabu nasabat sa dalawang lalaki sa Caloocan

Arestado ang dalawang lalaki matapos magbenta ng mga droga sa harap ng isang Condominium sa Caloocan.

Kinila ang mga naaresto na sina Alexis Del Mundo, 20-anyos at Aljon Agpoon, 19-anyos.

Ayon sa mga pulis, nakatanggap sila ng impormasyon na may nangyayaring transaksyon ng droga sa harap ng isang condominium sa Brgy. 177, Camarin Caloocan.

Agad na rumisponde ang mga pulis at naabutan ang dalawang suspek na nagkakaabutan ng sachet ng hinihinalang shabu.

Sinubukan pang pumasok ni Del Mundo sa loob ng condominium ngunit agad ding naaresto.

Nakumpiska mula sa dalawa ang 750-gramo ng marijuana na may street value na P15,000 at 18-gramo ng shabu na may halagang P120,000.

Mahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

(Photos from Northern Police District)